Pinakamadalas ko na sigurong gawin ang sumakay ng FX sa tuwing ako ay pauwi galing sa pamantasang aking pinag-aaralan noon sa Maynila.

Mula sa Sampaloc, araw-araw kong tinutungo ang Intramuros sapagkat doon lamang may terminal nitong pampublikong sasakyang diretso na patungong Cavite. May katagalan man sa paghihintay ng iba pang pasahero, tiyak namang mas mabilis at komportable akong makauuwi.

Kung ikaw ay sumasakay ng FX sa Intramuros, tiyak ko na ikaw ay may mahaba-habang pasensya, lalo na kung hindi naman gaanong pinupuntahan ng karamihan ang lugar kung saan ka nakatira. Kailangan mo ng pasensya sa paghihintay na mapuno ang isang sasakyang halos hindi naman mapuno-puno, at kapag ito nama’y napuno, animo’y ‘di na rin magkakasya kahit isa mang butil ng bigas.

Sa kanilang paghihintay, wala nang iba pang magagawa ang mga pasahero kundi panoorin ang estado ng ating bansa mula sa mga bintana ng pampublikong sasakyan. Dito’y ‘di maitatago ang kalunus-lunos na sitwasyon ng bansang Pilipinas. At higit sa lahat, dito ko rin natagpuan ang isang batang may sira-sirang kasuotan.

Payat na payat, madungis at may kaliitan – ‘yan ang mga katangian ng batang si Kulat, isang barker na marahil ang edad ay hindi hihigit sa sampung taon. Sa tuwing ako ay tumitingin sa kanya, tila ako’y nakatitig sa isang salamin kung saan ay nakikita ko nang buong-buo ang tunay na kalagayan ng ating bansa sa ngayon: walang makain, madungis at nakapanliliit.

Bukod sa pagbabarker, si Kulat na rin ang nagsisilbing tagapaningil ng mga pamasahe, at sa tuwing siya ay maniningil, nakatutuwang kahit sa mura n’yang edad ay saulo na niya ang pamasahe mula sa lungsod ng Maynila patungo sa iba’t ibang bayan sa Cavite, maging ang pagkakasunud-sunod ng mga daraanan patungo sa mga ito kahit na isang beses man lamang sa buhay niya ay hindi pa niya nararating ang alin man dito.

Sa madaling sabi, matalinong bata si Kulat. Parang tayong mga Pilipino – matalino ngunit naghihirap.

Kakaiba kumpara sa ibang mga batang lansangang nakilala ko si Kulat. Siya ay isang masayahing bata at tuwang-tuwa ang lahat ng mga pasahero sa tuwing siya ay magpapatawa. Mahilig din siyang kumanta at sa tuwing siya ay kumakanta, tila napapasabay ang mga pasaherong tirik na ang mga mata sa paghihintay. Kilala niya ang halos lahat ng regular na sumasakay sa terminal, at sa gayong paraan din ay kilalang-kilala siya ng mga taong ito.

Ngunit sa kabila ng kakulitan at katalinuhang taglay ni Kulat, marahil ay may isang bagay na lingid sa kanyang kaalaman – na siya ay nakapagbibigay saya at sigla sa mga pasahero ng walang lamang FX; tila isang larawan ng pag-asa sa gitna ng matagal na paghihintay; isang larawan ng mga Pilipinong nananatiling nagbibigay ng pag-asa sa Pilipinas; isang patunay na sa kabila ng kahirapan ay may darating na kaginhawaan; isang maliit na ilaw na nagbibigay liwanag sa gitna kadiliman.

Ikaw, gusto mo rin bang maging katulad ni Kulat?